SUGATAN ang isang iskolar ng bayan (ISKA) nang pagsasaksakin ng isa sa tatlong holdaper nang magsisigaw ng tulong sa loob ng UP Campus sa Diliman, Quezon City nitong Lunes ng gabi.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 8:17 pm nitong Lunes, 8 Hulyo, nang maganap ang insidente sa loob ng UP Campus sa harapan ng Electrical and Electronics Engineering Institute na matatagpuan sa Velasquez St., Brgy. UP Campus Diliman.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Paolo Louix Castillo, naglalakad ang biktima nang sumulpot ang tatlong lalaki at nagpahayag ng holdap.
“‘Wag kang gumalaw holdap ‘to!” pahayag ng mga suspek, pero nagpagibik at sumigaw ang biktima ng “tulong, tulong!” dahilan upang saksakin siya ng mga holdaper.
Nang makitang duguan ang biktima ay agad na hinablot ng mga holdaper ang bag nito na naglalaman ng Samsung celllphone, wallet, ID, ATM, P500 cash na nagkakahalaga lahat ng P20,000 saka tumakas patungo sa CP Garcia Avenue.
Agad isinugod ng mga nakasaksi sa insidente sa Diliman Doctors Hospital ang biktima kung saan ito patuloy na inoobserbahan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Kaugnay nito, inihayag ng administrasyon ng UP na magpapakalat sila ng mga karagdagang security personnel sa loob ng campus.
Pinayohan din ang publiko na manitiling mapagmatyag at agad na ireport sa mga awtoridad kung may mga kahina-hinalang mga indibiduwal sa paligid ng campus. (ALMAR DANGUILAN)