ARESTADO ang tatlong indibiduwal nang matiyempohan sa loob ng isang makeshift drug den at nakuhaan ng P81,600 halaga ng shabu kasunod ng buybust operation sa Purok 6, Barangay Roosevelt, Dinalupihan, Bataan kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bataan ang mga nahuling suspek na sina Reynaldo Antazo, Jr., alyas Unyong, itinurong drug den maintainer, 53; Reylan Antazo, 33; at Ronaldo Antazo, 32, pawang residente sa Brgy. Roosevelt, Dinalupihan, Bataan.
Nakompiska ng mga ahente ng PDEA ang limang piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P81,600; sari-saring mga gamit sa droga; at ang buybust money.
Ang operasyon ay magkatuwang na isinagawa ng mga operatiba ng PDEA Bataan Provincial Office, PDEA Bataan Seaport Interdiction Unit (SIU) at PDEA RO III RSET.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek. (MICKA BAUTISTA)