RATED R
ni Rommel Gonzales
SIKAT na male singer si Arthur Miguel na nag-trending ang kantang Lihim na may 39.1M streams sa Spotify at ang Ang Wakas na unang nakilala sa Tiktok na may 50.7M streams sa Spotify.
At tulad ng ibang celebrities, nakatatanggap din si Arthur ng negatibong reaksiyon o pamba-bash.
“Hindi mo siya maiiwasan. Sobrang perfect mo naman kung hindi ka nakatanggap ng negative feedback. Pero tini-take ko na lang siya,” saad ni Arthur.
Hindi siya pumapatol sa mga basher.
Ano na ba ang masakit na bashing na ibinato sa kanya?
“Hindi kasi ako nagbabasa na ng mga bash comment, pero siguro iyon pa rin. Babalik pa rin doon sa noong cover artist ako.
“Kasi sobrang big deal talaga noon sa akin na sabihan ng ganoon na ‘gumagamit.’”
Na kaya rin umangat umano si Arthur ay dahil sa pagko-cover niya ng kanta ng mga sikat na artists.
“Ayoko rin ng sinasabihan, kahit hindi cover, like gumagamit ka ng tao para lang umangat ka.
“Hindi ko siya sinasagot kasi the more na sagutin mo, the more na may sasabihin sila, and lalo lang lalala ‘yung issue,” sinabi pa ni Arthur na tubong San Jose del Monte sa Bulacan.
Nasa pangangalaga siya ng Warner Music Philippines.
May five-track EP si Arthur ngayon, ang MU na ang carrier single ay ang Malabong Ugnayan tampok ang tinaguriang bedroom pop star na si Jikamarie.
Nasa EP din ang apat na B-side tracks: Isaoras, Ghinost, Dati, at Maling Panahon.
Ang MU ay available sa mga digital streaming platforms tulad ng Spotify, Apple Music. at Youtube Music.