DINAKIP ng mga awtoridad ang walo kataong hinihinalang nanloob at tumangay sa vault at iba pang mga kagamitan ng isang kompanya sa Quezon City nitong Sabado.
Kinilala ang mga naaresto na sina Junito Napigkit Bugas, 56 anyos, kapatid na si Melchor, 57; Gerald Balazo Ramil, 45, construction worker; Ronald Bait-it Allanig, 32, jobless; Felix Palnoga Handumon, 38, construction worker; Janet Linis Mendoza, 50, medical staff; Maybelle De Guzman Bugas, 45, caretaker; Ma. Christina Joy Mangbanag Verien, 22, at Angelica Abuedo Bonabon, 37, online seller.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 2:11 ng hapon nitong Sabado, 6 Hulyo, nang maganap ang robbery hold-up sa Customer First Distributor Incorporated na matatagpuan sa Sagittarius St., Brgy. Talipapa, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Jordan Barbado, matapos makatanggap ng impormasyon sa naganap na robbery-holdup ay agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng QCPD.
Agad nadakip ang mga suspek ng pinagsanib na puwersa ng Talipapa Police Station 3 sa pamumuno ni P/Lt. Col. Resty Damaso, Special Operations Unit (DSOU) sa pangunguna ni P/Maj. Wilfredo Taran, Jr., Special Weapons and Tactics (SWAT), District Mobile Force Battalion (DMFB) sa ilalim ni P/Lt. Mark Corpuz, CIDU sa pamumuno ni P/Maj Don Don M Llapitan, sa koordinasyon ng General Trias City Police Station sa ilalim ni P/Maj. Hilario Lacaste at Noveleta Municipal Police Station, sa magkakahiwalay na lugar.
Nasamsam mula sa mga suspek ang company vault, isang Glock 17 caliber 9mm, cellphones, anim piraso ng 9mm live ammunition, isang magazine, black sling bag, IDs, black Toyota Commuter, apat na sachet ng shabu na naglalaman ng halos 20 gramo at nagkakahalaga ng P136,000, ilang mga dokumento ng kompanya, granada, at isang kalibre .38 Armscor na walang serial number.
Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek. (ALMAR DANGUILAN)