Friday , November 15 2024
NHCP Malolos Bulacan

NHCP at Malolos City Tourism, isinusulong sinaunang paraan ng paglalakbay sa makasaysayang pook

Isinusulong ng pamahalaang lungsod ng Malolos, Bulacan sa pamamagitan ng City of Malolos Arts, Culture, Tourism and Sports Office (CMACTO) at ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ang isang tourism package na lilibot sa mga makasaysayang pook sa Malolos gamit ang mga sinaunang sistema ng transportasyon.

Ayon kay Jose Roly Marcelino, focal at project coordinator ng CMACTO, patuloy na inieksperimento, sinusubukan, at ikinokonsidera ng pamahalaang lungsod ang iba’t ibang pamamaraan upang ganap na mapalakas ang atraksiyon ng Malolos sa mga turista.

Sa nakalipas na mga panahon, sinubukan ang paggamit ng karuwaheng hinahatak ng kabayo noong 2011, mga dyip na karatig simula 2015; at electric tricycle mula sa Department of Energy (DOE) noong 2019, sa pagpasyal sa Malolos.

Tampok ngayong 2024 ang paggamit sa 1950s Heritage Bus ng Victory Liner sa pagdadala ng mga turista sa mga pangunahing makasaysayang lugar sa Malolos gaya ng simbahan ng Barasoain, Katedral-Basilika ng Malolos, Casa Real de Malolos at ang simbahan ng Sta. Isabel, na pawang nagkaroon ng malaking papel sa pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas.

Kabilang ang naturang heritage bus sa iilang mga orihinal na modelo ng nasabing kompanya ng bus na isinailalim kamakailan sa restorasyon.

Ipinaliwanag ni Marcelino na ang bagong partnership na ito ay pagsuporta ng pamahalaang lungsod sa “Experience the Philippines” Program ng Department of Tourism (DOT).

Sa loob ng konseptong ito, hindi lamang ipinapasyal ang mga turista kundi ipaparanas ang paraan ng transportasyon na minsang umiral sa isang lugar.

Sinasalamin aniya ng heritage bus ang pagiging payak na pamumuhay noon at determinasyon ng henerasyon noong dekada 50 sa paghahanapbuhay.

Kaugnay nito, sinabi ni NHCP Senior Curator Jose Ruel Paguiligan na akmang-akma ang ginawang restorasyon sa bus na minsang nadaan sa bahaging ito ng Malolos noong panahon na wala pa ang North Diversion Road, kilala ngayon bilang North Luzon Expressway (NLEX).

Taong 1950s nang bumiyahe ang ganitong modelo ng Victory Liner na biyaheng Olongapo-Caloocan na dumaraan sa kahabaan ng McArthur Highway.

Mula sa pagiging isang truck na nagdedeliber ng mga paninda sa Divisoria, sinimulang makisakay ng mga tao kaya tuluyan nang naging bus na limitado lamang noong makalipas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Samantala, planong muling gamitin ang heritage bus na ito sa susunod na Fiesta Republika sa Enero 2025. (MICKA BAUTISTA)

About Micka Bautista

Check Also

Duterte Gun

Duterte aminadong pumatay ng 6 o 7 kriminal noong alkalde ng Davao City

INAMIN ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, Miyerkoles na pumatay siya ng anim o pitong …

111424 Hataw Frontpage

PH mistulang killing fields sa ‘Duterte drug war — Solon

ni GERRY BALDO NAGMISTULANG killing fields ng mga drug suspect at inosenteng sibilyan ang Filipinas …

Dwayne Garcia

Dwayne Garcia, excited na sa kanyang debut single na “Taym Perst Muna”

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio SUPER-EXCITED ang newbie singer/actor na si Dwayne Garcia sa paglabas …

PDEA EDSA busway

Dumaan sa EDSA busway
PDEA vehicle tinekitan

INISYUHAN ng tiket ng Special Action and Intelligence Committee for Tr1ansportation (SAICT) ang driver ng …

Smuggled Sugar asukal

900 sako ng puslit na asukal nasamsam; 3 driver, 1 pahinante tiklo sa Zambo

ARESTADO ang apat katao dahil sa alegasyong pagpupuslit ng sako-sakong asukal sa Brgy. Cawit, sa …