ni MICKA BAUTISTA
MALUNGKOT man tinanggap ng pamilya ng nawawalang beauty contestant na si Geneva Lopez na patay na ang kanilang mahal sa buhay at ang kasintahan nitong si Yitshak Cohen ngunit nangakong pagbabayarin ang mga may kagagawan sa pagpaslang sa kanilang kapatid.
Nitong Sabado, 6 Hulyo 2024, natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay nina Lopez at Cohen na ibinaon sa isang quarry site sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac.
Kinompirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang natagpuang mga bangkay ay sina Lopez at Cohen.
Sa Autopsy reports ng NBI nabatid na ang magkasintahan ay namatay dahil sa mga tama ng bala ng baril. Si Lopez ay may tama sa likod ng kanyang torso at hita habang si Cohen ay may tama sa dibdib malapit sa kanyang kilikili.
Ang labi ni Lopez ay isinalang sa cremation saka dinala sa Gate of Heaven Memorial Chapel sa Sto. Tomas, Pampanga para sa ilang araw na burol.
Sa bahagi ng kapatid ni Choen na si Yaniv, sinabi niyang ang katawan ni Yitshak ay iuuwi sa Israel at doon ihihimlay base sa kanilang tradisyon.
Huling nakitang buhay sina Lopez at Cohen noong 21 Hunyo patungong Capas, Tarlac para i-check ang isang property na planong bilhin.
Ngunit ayon kay Yaniv nagpunta sina Cohen sa Capas hindi para bumili ng lupa kundi para kunin ang titulo ng lupa na ginamit na kolateral sa utang.
Nagpaabot ng pakikiramay ang Embassy of Israel sa Maynila at umaasang makakamit ang katarungan para sa dalawa.
Dumalaw na ang pamilya Cohen sa burol ni Lopez.
Nauna rito,dalawang dating pulis, isang real estate middleman at isa pang person of interest na sinasabing sangkot sa pagkawala ni Lopez at ng kanyang Israeli fiancé na si Cohen sa Tarlac ang inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) pasado 1:00 ng madaling araw nitong Sabado, 6 Hulyo 2024.
Ang mga nasabing persons of interest ay mga taong tinitingnan ng mga awtoridad kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon ngunit hindi pa itinuturing na mga suspek.
Narekober ng mga awtoridad ang mga baril, bala, at isang hand grenade sa isang operasyon sa ilalim ng Oplan Paglalansag Omega, kampanya ng gobyerno laban sa mga pribadong armadong grupo, at loose firearms.
Kasunod nito, kinompirma ni Interior Secretary Benhur Abalos na nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang suspek, kinilalang sina Michael Angelo Guiang dahil sa mga paglabag sa RA 10591 — ang Comprehensive Firearm and Ammunition Regulatory Act — at RA 9516; at Rommel Abuza dahil sa paglabag sa RA 10591, mga pulis na nag-absence without leave (AWOL).
Aniya, nang mahuli ang apat ay maraming baril ang nakuha sa kanila at may detalye at saksi na nagbunyag ng lugar kung saan inilibing ang dalawang biktima.
Dagdag ng Kalihim, posibleng sangkot ang mga suspek sa pagkamatay ng mga biktima bukod sa iba pa na sasailalim sa imbestigasyon.
Nahukay ng mga awtoridad ang mga bangkay sa isang bakanteng lote sa loob ng quarry site sa Brgy. Sta. Lucia sa bayan ng Capas, Sabado ng madaling araw at dinala para sa autopsy at DNA test.
Huling nakita ang magkasintahan noong 21 Hunyo nang magmaneho sila patungong Capas para tingnan ang property na balak nilang bilhin.
Nang maglaon, nakitang nasusunog ang kanilang SUV kinabukasan sa kahabaan ng isang kalsada sa Capas na walang palatandaan ng mga sakay nito.
Kinompirma ng pamilya ni Lopez na ang mga nasunog na gamit, kabilang ang isang ID card, ay pag-aari ng Mutya ng Pilipinas Pampanga 2024 contestant.
Noong 27 Hunyo, ang pamilya ni Cohen ay nag-anunsiyo ng P250,000 reward para sa impormasyon na makapagtuturo sa kinaroroonan ng magkasintahan.
Inilunsad ang paghahanap sa mga biktima matapos maglabas ng warrant ang Tarlac City Regional Trial Court Branch 111 na may petsang 5 Hulyo 2024.