NAGPUGAY ang Social Security System (SSS) sa beteranong mamamahayag at sa public affairs head nitong si Sammy Santos, na pumanaw noong Sabado, 29 Hunyo.
Binawian ng buhay si Santos sa edad na 63 anyos dahil sa mga komplikasyon matapos sumailalim sa heart bypass surgery noong 5 Hunyo sa Philippine Heart Center, sa Quezon City.
Pumasok si Santos sa SSS noong Pebrero 2024 bilang Bise Presidente para sa Public Affairs at Special Events Division at ginamit ang mga karanasan bilang isang mamamahayag sa promosyon at publisidad ng mga programa at serbisyo ng SSS.
Nagpahayag si SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet ng kanyang pakikiramay sa pamilya ni Santos, na inilarawan siya bilang “isang mahusay na mamamahayag at isang tapat na kaibigan.”
“Ngayon, labis kong ikinalulungkot na ipahayag na hindi lamang ako ng nawalan ng isang magaling na kasamahan sa SSS kundi isang mahusay na kaibigan na kilala ko mula pagkabata sa Zamboanga City at isang kaklase sa grade school at high school. Nais kong mag-alay ng mga panalangin ng lakas sa kanyang asawa, si Julie, at sa kanilang mga anak habang dumaraan sila sa panahong ito,” ani Macasaet.
Parehong nagmula sina Macasaet at Santos sa lungsod ng Zamboanga City at magkaklase mula grade school hanggang high school sa Ateneo de Zamboanga University mula noong 1973 hanggang 1977.
Bago pumasok sa SSS, nagkaroon si Santos ng malawak na karanasan sa media relations, na nagsilbi bilang Media Director ng Senado ng Filipinas mula 2004 hanggang siya ay nagretiro noong 2023.
Bilang karagdagan, nagtrabaho si Santos bilang isang reporter at editor para sa iba’t ibang pahayagan, tulad ng Philippine Star, Philippine Daily Inquirer, at ang wala na ngayong Manila Chronicle at Daily Globe.
Dinala ang labi ni Santos sa Aeternitas Chapel & Columbarium sa Commonwealth Ave., Quezon City nitong Martes, 2 Hulyo.
Gaganapin ang inurment sa Biyernes, 5 Hulyo sa ganap na 9:00 am sa parehong memorial chapel.
(MICKA BAUTISTA)