ARESTADO ang isang motorcycle taxi rider at kanyang angkas na nakuhaan ng shabu at patalim nang tangkaing tumakas sa mga pulis na nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ sa Valenzuela City.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Art 151 of RPC, BP6 at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang naarestong mga suspek na sina alyas Michael, 37 anyos, motorcycle taxi rider, residente sa Brgy. Punturin, at alyas Nestor, 28 anyos, residente sa Brgy. Bignay ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni P/Cpl. Christopher Quiao kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, dakong 5:35 am, habang nagsasagawa ng Oplan Sita sa Paso De Blas Road ang mga tauhan ni Police Sub-Station 1 Commander P/Capt. Ronald Malana, nang parahin nila ang mga suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo para sa beripikasyon.
Imbes sumunod ay pinaharurot umano ni Michael ang minamanehong motorsiklo at tinangkang takasan ang mga pulis ngunit nagawa silang maharang nina P/SSgt. Aquino at P/Cpl. De Robles.
Nang kapkapan, nakuha ni P/SSgt. Aquino kay Michael ang isang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu habang nakompiska ni P/Cpl. De Robles kay Nelson ang isang patalim at dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. (ROMMEL SALES)