DINAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaking pinaniniwalaang nagbebenta at nagkakalat ng mga ilegal at hindi lisensiyadong baril sa lungsod ng Baliwag, lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes ng gabi, 1 Hulyo.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, nakatanggap ng tawag sa telepono ang Baliwag CPS tungkol sa isang indibiduwal na sangkot sa ilegal na pagbebenta ng mga baril sa Brgy. Tarcan, sa nabanggit na lungsod.
Bilang tugon sa natanggap na impormasyon, dakong 6:00 pm ay nagsagawa ng buybust operation ang mga tauhan ng Baliwag CPS sa pamamagitan ng isang poseur buyer.
Nang magpositibo ang transaksiyon, inaresto ang suspek na kinilalang si alyas Erick, 26 anyos, tubong Dasmariñas, Cavite, at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Tarcan.
Nakompiska mula sa suspek ang isang 12-gauge shotgun, isang 2.5-cm bariles na walang serial number, anim na pirasong bala ng 12-gauge, at marked money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakompiskang ebidensiya para sa ballistic examination habang inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 10591 na isasampa laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)