NASAKOTE ng mga awtoridad ang pitong hinihinalang tulak ng ilegal na droga at anim na pinaghahanap ng batas sa isinagawang serye ng police operations hanggang Linggo ng madaling araw, 30 Hunyo, sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, nadakip ang pitong hinihinalang mga tulak sa ikinasang buybust operations sa Sta. Maria, Calumpit, at Pulilan MPS.
Nakompiska sa operasyon ang kabuuang 29 plastic sachet ng hinihinalang shabu, limang plastic sachet ng hinihinalang marijuana, at buybust money na dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na ihahahin sa hukuman laban sa mga suspek.
Samantala, naaresto ng tracker teams ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company, Meycauayan, Plaridel, Marilao, at Guiguinto C/MPS ang anim na wanted sa magkakaibang manhunt operations.
Inaresto ang mga suspek para sa mga kasong Estafa, Falsification of Public Document by a Private Individual at paggamit ng Falsified Document, paglabag sa RA 7610, BP 22, at RA 9165.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang mga arresting unit/station ang mga akusado para sa angkop na disposisyon at dokumentasyon.
Naaayon ang mga pagsisikap ng pulisya sa Bulacan laban sa lahat ng uri ng kriminalidad sa patnubay ni PNP PRO3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr. (MICKA BAUTISTA)