HALOS 1,350 milliliters ng liquid cocaine na nagkakahalaga ng P8,522,400 ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa isang Paisa o Colombian national sa Port of Clark, Angeles City.
Kinilala ng PDEA Central Luzon team leader ang naarestong suspek na si Santiago Francisco Amado Sopo a.k.a Antonio Cordero, 32 anyos, isang Colombian national na naaresto kasunod ng controlled delivery operation sa The Rise Tower, Yakal St., Barangay San Antonio, Makati City dakong 9:30 pm kamakalawa, Martes, 25 Hunyo 2024.
Ayon sa ulat, ang parsela na naglalaman ng mga illegal substance ay naharang sa Port of Clark sa Angeles City noong 21 Hunyo 2024.
Napag-alamang ang likidong cocaine na nagmula sa Colombia ay itinago sa isang kargamento ngunit isinailalim sa regular na inspeksiyon sa daungan.
Kasunod nito, ang pagkadiskubre ng mga droga ay nagtulak sa PDEA na maglunsad ng isang kontroladong operasyon na humantong sa target na consignee sa Makati City.
Nakompiska mula sa suspek ang isang brown box, tatlong plastic bottle container bawat isa ay naglalaman ng liquid cocaine; dalawang identification card; isang cellular phone.
Ang operasyon ay isinagawa sa pamamagitan ng pinagsamang pagsisikap ng mga operatiba sa pangunguna ng PDEA Central Luzon, PDES IS, PDEA NCR, Bureau of Custom – Port of Clark, PNP AVSEC 3, Makati SDEU, Makati CPS.
Isang non-bailable offense na paglabag sa Section 4 (importation of dangerous drugs) ng Republic Act 9165 ang isasampa laban sa nadakip na suspek. (MICKA BAUTISTA)