MA at PA
ni Rommel Placente
AYON kay Cristine Reyes na-scam siya nang hingan ng tulong at donasyon ng isang grupo para sa mga batang may mental condition.
Kuwento ng aktres, ginagamit daw ng mga scammer ang National Center for Mental Health para makapanloko at isa nga raw siya sa nabiktima ng mga ito.
Naibahagi ito ng aktres sa kanyang Instagram account nang mamahagi siya ng pagkain at iba pang personal na kailangan sa NCMH.
Ang caption ni Cristine sa kanyang IG video, “Masaya at simple ang araw na ito noon Mayo 24, 2024. Nakaipon kasi kami ng mga kasama ko at nakabili kami ng pagkain at mga pangangailangan ng mga kapwa natin sa NCMH.”
At dito na ipinagtapat ng aktres ang karanasan niya noong 2021.
“Hindi ko lang maalis sa isip ko na malungkot dahil noong 2021 may mga taong lumapit sa akin. Sabi nila may mga bata raw na may malubhang sakit.
“Hindi ako nag-atubiling tumulong. Lumapit ako sa mga kaibigan at kakilala ko at nakaipon ng mahigit kalahating milyon sa loob lamang ng isang linggo.
“Sa masakit na kapalaran. Wala akong nabalitaan o nakita man lang sa mga batang may malubhang sakit at pilit kong tinatanong kung puwede ko sila mabisita at makita kung saan napunta ang aming naipon noon.
“Nahihiya ako sa mga nagbigay ng donasyon at nalulungkot ako na minsan ay nagamit ako ng mga ibang tao na nagsabing ibibigay nila ang tulong na iyon para sa mga batang may malubhang sakit.
“Para sa mga boss ko, kapwa artista at mga ibang nakatrabaho na nagbigay noong 2021 ng donasyon humihingi ako ng paumanhin.
“Hindi ko nakalilimutan hanggang ngayon na nagbigay ako ng pangako sa inyo na ipakikita ko kung saan mapupunta ang kabutihang loob ninyo.
“Magsisilbing aral iyon sa akin. Ako ay nagtanda.
“Maraming tao ang magpapanggap at mang-aabuso. Bahala na sa inyo ang may kapal. Malungkot man isipin na ngayon maliit lamang ang aking naipon para naman sa mga kapwa natin sa NCMH.
“Alam ko malinis ang aking hangarin para tumulong. Kahit maliit lamang ang aming naipon ngayon, okay lang. Kasi itong maliit na salo-salo na ito ay naging masayang araw para sa aming lahat.
“Salamat NCMH dahil sa pagbukas ng inyong pinto para sa akin marami akong napulot na aral dahil dito. Maraming salamat sa pagtitiwala.”