DIRETSO sa kalaboso ang limang indibiduwal matapos maaktuhan ng mga awtoridad na bumabatak ng ipinagbabawal na gamot sa Marilao, Bulacan kahapon.
Sa ulat na ipinadala ni P/Lt.Colonel Norman Cristal Cacho, hepe ng Marilao Police Station, kay Police Colonel Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, isinagawa ang drug-sting operation sa Sitio Patulo, Brgy. Loma De Gato, Marilao dakong alas-2:00 ng madaling araw.
Ang operasyon ay ikinasa matapos makatanggap ng impormasyon ang nasabing himpilan ng pulisya hinggil sa pamamayagpag ng mga drug users sa nabanggit na lugar.
Kaagad umaksiyon ang mga operatiba ng Marilao DEU na pinamumunuan ni P/Captain Joel De Leon katuwang ang SOU-PNP 3 at sinadya ang binanggit na lugar upang iberipika ang nakalap na impormasyon
Nagresulta ang operasyon sa pagkaaresto ng limang adik na huling-huli sa akto habang nasa kainitan ang kanilang isinasagawang pot session.
Kinilala ng mga arresting officers na sina Pat Marvin Dela Cruz at PCpl Ronald Irvin Ferrer, kapuwa miyembro ng Marilao MPS ang mga naaresto na sina Edgardo Paloma, 36; Angelo Bernardino Reduta, 18; Joselito Bernardino Reduta, 18; Michael Bernardino Reduta, 31; at Erika Basijan, 26, pawang residente ng No. 069 Sitio Patulo, Brgy.Loma De Gato.
Nakumpiska sa mga suspek ang limang piraso ng cut-open plastic sachet ng shabu, isang kulay orange na lighter, isang piraso ng aluminum foil strip, at isang piraso ng rolled aluminum foil.
Napag-alamang ang mga nakumpiskang shabu ay tumitimbang ng humigit-kumulang sa 0.5 gramo na may standard drug price na PhP3, 400.00.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong kriminal laban sa mga naarestong suspek na isasampa sa Provincial Prosecutor Office. (MICKA BAUTISTA)