SIPAT
ni Mat Vicencio
NGAYONG pormal nang nagbitiw si Vice President Sara Duterte bilang Secretary ng Department of Education, ang maingat at matalinong pakikitungo kay Senator Imee Marcos ang kailangan niyang gawin para hindi ‘mapalundag’ ng senadora.
Sabi nga, ‘walang forever’ at kahit na paulit-ulit na sabihing tunay na BFF si Sara, hindi ito kapani-paniwala lalo na ngayong halatang ‘namamangka sa dalawang ilog’ si Imee para maisulong ang kanyang kandidatura.
Pansinin ang mga batikos ni Imee sa kapalpakan ng kasalukuyang administrasyon, masasabing hilaw at malasado, at lumalabas na kalkulado para hindi masyadong masaktan ang kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
At sa pagbibitiw ni Sara sa Gabinite ni Bongbong, asahang higit na palalakasin nito ang kanilang grupo at organisasyon, paiigtingin ang konsolidasyon, at titiyakin ang panalo ng kanilang mga kandidato sa ilalim ng partidong Hugpong ng Pagbabago o HNP sa 2025 midterm polls.
Matindi ang inaasahang salpukan sa pagitan nina Sara at ni Bongbong, at dito makikita kung paano ang magiging gulang ni Imee para makuha ang suporta ng dalawang kampo, at masigurong papasok siya sa “Magic 12” ng senatorial race.
Hindi pakakawalan ni Imee ang pakikipagkaibigan kay Sara at gagawa tiyak ng mga panibagong gimik at pambobola para sa inaasahang endorsement o basbas ng bise presidente para mapasama sa mga guest senatorial candidates ng HNP.
At kahit na sabihin pang mabigat ang away ni Imee kay First Lady Liza Araneta-Marcos, hindi pa rin pababayaan ni Bongbong ang kanyang ate at gagawin ang lahat ng paraan para masigurong makababalik sa Senado.
Kaya kung nagawa mang ‘paikutin’ ni Imee si Sara na tumakbo na lamang bilang bise presidente noong presidential elections, sa pagkakataong ito, hindi na kailangang magkamali at matapang niyang soplahin ang senadora.
Sabi pa ni Imee kay Sara… “Ang aking pagmamahal, pagtitiwala at paniniwala sa iyong kabutihan, husay at pakikipagkaibigan ay hindi kailan man magmamaliw.”
Inay man daw buwaon! Pag hinay-hinay gad Inday.