NAGSAGAWA ng serye ng operasyon ang pulisya sa Bulacan na nagresulta sa pagkakakumpiska ng iligal na droga at pagkakaaresto sa pitong personalidad sa droga at isang wanted na tao sa lalawigan hanggang kahapon ng umaga.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, sa anti-illegal drug operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit ng Bocaue, Angat, at Meycauayan C/MPS ay nagresulta sa pagkakaaresto sa pitong personalidad sa droga.
Nakumpiska mula sa mga naarestong suspek ang labing-tatlong 13 piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu, buy-bust money sa iba’t ibang denominasyon.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang pagsusuri, habang ang mga reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 laban sa mga suspek ay inihahanda na para sa pagsasampa sa korte.
Samantala, naglatag ng manhunt operation ang tracker team ng Marilao Municipal Police Station na nagresulta sa pagsilbi ng warrant of arrest laban kay alyas Emman, 53, residente ng Cainta, Rizal.
May kaugnayan ang pag-aresto sa akusado sa paglabag sa Bouncing Check Law (BP22) na inisyu ng presiding judge ng Municipal Trial Court, Branch 5, Antipolo City, Rizal.
Ang naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng arresting unit/station para sa kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)