ISANG miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa Bulacan kamakalawa.
Batay sa ulat kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (BUL PPO), kinilala ang sumukong si alyas Ka Tony, 53, tricycle driver, miyembro ng Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB), na kumikilos sa mga baybaying bahagi ng Bulacan, Pampanga, at Bataan.
Napag-lamang si alyas Ka Tony ay nakumbinsing sumapi sa nabanggit na grupo ng mga rebelde dahil sa sinabi ng mga namumuno nito na kinakailangan ang reporma sa gobyerno.
Ayon kay P/Lt. Colonel Reyson M. Bagain, ang Force Commander ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), nagtulong-tulong ang pinagsamang elemento ng 1st PMFC, kasama ang Malolos CPS, Bulacan PIU, 301st MC RMFB, at 70IB PA sa pagsuko ng nabanggit na rebelde.
Isinuko rin ni alyas Ka Tony ang isang cal. .38 revolver na may serial number 66010, at tatlong 3 pirasong bala ng cal .38.
Ang sumukong miyembro rebelde ay kasalukuyang nasa kustodiya ng 1st PMFC para sa imbestigasyon at custodial debriefing.
Sinabi ni PD Arnedo na lalo nilang pinaigting na kampanya laban sa insurhensya at terorismo upang matiyak ang pagkakaloob ng mga serbisyong panlipunan, mga oportunidad sa trabaho, at isang pinabuting kalidad ng buhay sa mga komunidad na nakararanas o apektado sa armadong labanan ng komunista. (MICKA BAUTISTA)