MULING nahadlangan ng mga awtoridad sa Bulacan ang pagkalat ng iligal na droga sa lalawigan matapos maaresto ang walong tulak at makumpiska sa kanilang pag-iingat ang mahigit isang milyong halaga ng shabu kahapon ng umaga, Hunyo 19.
Batay sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, isang anti-illegal drug operation ang ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit ng San Jose Del Monte City Police Station na nagresulta sa matagumpay na pagkaaresto sa walong tulak ng iligal na droga sa Zone 1, Capili compound, Brgy. Grace Ville, City of San Jose Del Monte, Bulacan, bandang ala-1:00 ng madaling araw kahapon.
Nakumpiska ang kabuuang labing-isang piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na pinaniniwalaang shabu, humigit-kumulang 230 gramo ang bigat na may standard drug price na Php 1,564,000.00, tatlong piraso ng Php 1.000.00 na orihinal na bill na ginamit bilang marked money, at isang belt bag
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri, habang ang naaangkop na mga reklamong kriminal para sa mga paglabag sa Article II, Section 5, at Section 11 ng Republic Act 9165, na kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 , ay inihanda laban sa mga suspek para sa pagsasampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)