WALA NANG BUHAY nang matagpuan ng mga rescuer ang katawan ng isang batang lalaki na sumama sa mga kalaro upang maligo sa ulan hanggang mapadpad sa isang creek sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Jhaycob Anderson Manrique, 8 anyos, residente sa Phase 7-C Package 7, Lot 28, Block 58, Brgy. 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Sa ulat ni P/Capt. Joniber Blasco, Acting Commander ng Police Sub-Station 13 kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, naliligo sa malakas na buhos ng ulan, dakong 2:10 pm, habang magkakalaro sina alyas Luis, 10 anyos; alyas Amar, 13 anyos; at ang biktimang si alyas Jacob, sa Pag-asa creek malapit sa kanilang lugar sa Phase 7-C ng hapon nang madulas ang biktima habang itinutulak nila ang pulang barrier na dahilan upang mahulog siya sa sapa.
Kitang-kita umano ng kanyang mga kalaro ang mabilis na pagtangay sa bata ng malakas na agos ng tubig kaya kaagad nila itong ipinaalam sa pamilya ng biktima.
Kumilos kaagad sina P/Capt. Blasco at ang Caloocan Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) upang hanapin ang bata ngunit hanggang sumapit ang gabi ay bigo silang mahanap ang biktima.
Sising-sisi naman ang ina nitong halos hindi makausap dahil sa kaiiyak nang malaman ang nangyari sa kanyang anak.
Dakong 8:00 am kahapon, Martes, 18 Hunyo, nang tuluyang makuha ng mga rescue team ang bangkay ng biktima sa Saog Bridge sa Marilao, Bulacan.
Handa umanong tumulong ang lokal na pamahalaan sa mga gastusin sa burol at pagpapalibing sa batang biktima kasabay ng paalala sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak sa paglalaro sa mga mapanganib na lugar lalo kapag malakas ang buhos ng ulan. (ROMMEL SALES/MICKA BAUTISTA)