HINDI na nakapalag ang isang lalaki nang arestuhin ng mga awtoridad matapos maaktuhang kinukulimbat ang kawad ng kuryente ng isang residente sa Brgy. Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan kahapon ng umaga, Hunyo 17.
Kinilala ni Brgy. Captain Andy Tiqui ng Brgy. Bagbaguin ang naarestong si Buen Benedict y Samson, 23-anyos, binata, walang trabaho at residente ng St. Claire St., Brgy Sta Clara, Santa Maria, Bulacan.
Ayon kay Tiqui, naaktuhan ng mga barangay tanod ang matagal na nilang pinaghahanap na magnanakaw ng mga kawad at bisikleta na kadalasan ang mga nabibiktima ay mula sa Sitio Bahay-Pawid at Sitio Fatima.
Ang suspek din aniya ang naaktuhan ng mga taga-Sitio Sulucan na sisilip-silip sa mga bahay-bahay sa lugar at malimit nilang makita na nakatambay sa ilalim ng tulay.
Sa naging pahayag naman ng biktimang si Aissa De Jesus Y Belleza, babae, 43-anyos, sales lady, at residente ng 785 Bahay Pawid, Brgy Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan, ay naaktuhan niya na kinukulimbat ng suspek ang kawad ng kuryente sa loob ng kanilang compound na nagkakahalagang Php1,500.00.
Agad namang humingi ng tulong ang biktima sa mga barangay tanod ng Brgy. Bagbaguin na agad rumisponde at nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakumpiska sa kanya ang mga ninakaw na kawad at bisikleta gayundin ng pamputol tulad ng pliers.
Ang suspek ay binigyan ng kanyang mga karapatan o ‘Miranda Doctrine’ at kasalukuyang nasa kustodiya ng Santa Maria Municipal Police Station (MPS) habang inihahanda ang kasong ‘Theft’ laban sa kanya na isasampa sa Office of the Provincial Prosecutor, City of Malolos, Bulacan. (MICKA BAUTISTA)