LABING-ISANG personalidad sa droga, apat na wanted na mga kriminal, at pitong iligal na manunugal ang inaresto ng pulisya sa Bulacan sa iba’t ibang police operations na isinagawa sa lalawigan kamakalawa.
Sa mga ulat na ipinadala kay P/Lt.Colonel Jacquiline P. Puapo, OIC ng Bulacan PPO, sa buy-bust operations na isinagawa ng Balagtas, Guiguinto, Bulakan at Pandi MPS ay labing-isang tulak ng iligal na droga drug ang naaresto.
Nakumpiska sa operasyon ang kabuuang dalawampu’t isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang maliit na heat sealed ng mga tuyong dahon ng hinihinalang marijuana at buy-bust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri habang ang reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 laban sa mga suspek ay inihahanda na para sa pagsasampa sa korte.
Samantala, naaresto naman ng tracker teams ng Guiguinto MPS, Obando MPS, at Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company ang apat na kataong wanted sa magkakaibang manhunt operations.
Inaresto sila dahil sa mga krimeng Frustrated Murder, Paglabag sa BP 22. at Paglabag sa R.A. 10883 o Anti-Carnapping Law
Ang mga naarestong akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng arresting unit/station para sa tamang disposisyon.
Sa kabilang banda, sa hiwalay na anti-illegal gambling operation na isinagawa ng San Jose del Monte CPS ay pitong iligal na manunugal ang naaresto.
Nahuli sila sa akto ng illegal coin game na Cara y Cruz at illegal card game (na pusoy kung saan ang mga nakumpiskang ebidensya ay binubuo ng mga barya at tayang pera sa iba’t ibang denominasyon. (MICKA BAUTISTA)