ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
AMINADO ang award-winning actor na si Alfred Vargas na ibang klaseng experience sa kanya ang pelikulang Pieta, na sa nakaraang FAMAS awards ay itinanghal siyang Best Actor, ka-tie si Piolo Pascual ng pelikulang Mallari.
Bukod kay Konse Alfred, tampok sa Pieta ang National Artist para sa Film and Broadcast Arts na si Ms. Nora Aunor, Jaclyn Jose, Gina Alajar, at iba pa.
Pahayag ni Alfred, “Kaya ang laki ng pasasalamat ko kay Direk Adolf, kasi, siya naman ang um-assemble nito, napapayag niya iyong mga artista to be part of this film.
“Parang feeling ko talaga, sinuwerte rin ako kay Direk Adolf at sa mga nakasama ko sa movie na ito na talagang puro bigatin, they brought out the best in me.”
Ano ang natutunan niya sa mga nakasama niya sa pelikulang ito, like Ms. Nora?
“Kay Ate Guy hindi ko kailangang gumalaw, hindi mo kailangang magsalita, basta dama mo, lalabas sa mata mo.
“Mayroong magic akong naramdaman noon, iyong Nora magic. Mayroon kaming eksena, iyong mag-ina, tapos iyon iyong sasayaw kami. Tapos iyong sa akin, pagka-exprience ko roon sa eksena, okay naman, masaya. Pero ano, ‘Ay okay, naramdaman ko iyong eksena’. Sabi ko, ‘Wow’.
“Pero noong ipinakita sa akin ang eksena, nang nag-preview kami, iba iyong performance ng Superstar na Nora Aunor, kapag nandoon sa mismong sa eksena, live kaming magkasama… ang galing!
“Pero kapag pinanood mo pa sa monitor or doon sa sine, mas magaling pa! Alam talaga niya iyong craft, alam niya kung paano gamitin iyong medium ng film.”
Dagdag pa ni Konse Alfred, “Kaya iyon iyong… sabi ko (sa sarili ko), ‘Oo nga ano, ganoon pala iyon’. Dapat naiintinidhan ko rin iyon bilang isang aktor.”
Pati kina Gina at Jaclyn, marami rin daw natutunan si Alfred. Nabanggit din ni Konse Alfred na matagal na niyang acting coach ang magaling na aktres/direktor na si Gina.
Nabanggit pa ni Konse Alfred na hindi raw nila planong ipalabas ang Pieta, commercially.
Esplika ng guwapitong actor/public servant, “Hindi kami magpapalabas commercially, kasi we have to faced it, kapag hindi ka (entry sa) filmfest ngayon, medyo hindi na talaga nanonood ang mga tao sa sinehan. As mga previously showing na films… pero ang maganda naman dito sa Pieta, nandito si Nora Aunor, National Artist.
“So, ang daming nagde-demand, so what we will be doing is … may mga fully booked na kaming special screenings, iyong mga fans mismo ni Ate Guy iyong nag-request.
“So mayroon na kami hanggang Bicol, sa buong Luzon including Bicol.”
Pahabol pa ni Konse Alfred, “Target din namin na ipalabas sa mga school ang Pieta, kasi National Artist si Nora.”
Ayon pa sa aktor, once a year lang siya gagawa ng pelikula dahil iyon lang daw ang kaya ng schedule niya bilang public servant.
“One project a year lang ako, tapos I just do projects na gusto ko. Kasi iyon lang ang puwede sa oras ko,” pahayag pa ng Konsehal ng 5th District ng Quezon City.
Nagpapasalamat din ang TEAM (The Entertainment Arts & Media) kay Atty. Allan Chester Nadate na siyang naging daan ng aming media group sa masayang tsikahan at sa aming courtesy call kay Konse Alfred.