AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NAKALULUNGKOT ang balita o nangyari kahapon sa kapatid namin sa pamamahayag na si Val Gonzales, beteranong radio field reporter ng DZRH. Siya’y inatake nang pisikal ng mga miyembro ng transport group MANIBELA.
Sinaktan si Gonzales ng ilang miyembro ng MANIBELA habang inire-report ang nangyayaring kilos protesta na isinasagawa ng transport group
sa East Avenue, Quezon City.
Tanging hangad ni Gonzales ay iparating sa publiko ang ganapan – ipaalam kung ano ang nais ng grupong MANIBELA na iparating sa pamahalaan bukod sa iparating din sa mamamayan ang kasagutan ng gobyerno sa panawagan ng transport group.
Pero ano ang nangyari, ang gumaganap sa kanyang trabaho na si Gonzales ay sinaktan, tanakot at hinaras ng grupo.
Si Gonzales, isa sa board of directors ng Quezon City Police District Press Corps na ating pinamumunuan bilang presidente.
Sa ngalan ng mga opisyal ng QCPD Press Corps, mariin namin kinokondena ang pangyayari. Ang pangyayari o panghaharas ay walang puwang sa larangan ng malayang pamamahayag o demokratikong lipunan.
Kaugnay nito, kami ay nananawagan sa mga kinaukulan na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pangyayari at mabigyan ng katarungan ang masamang bangungot na dinanas ni Gonzales sa grupong MANIBELA.
Hindi lang si Gonzales ang hinaras ng grupo, pati si Allan Gatus, field reporter ng GMA-DZBB. Pinagsisigawan ng grupo si Gatus habang gumaganap din ng kanyang trabaho.
Hangad namin ang katarungan para kay Gonzales at Gatus.