ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MATAGAL na ring namamalagi si Mojack sa Amerika. Mula nang dito na siya tumira, ang talented na singer/composer/comedian ay matagal nang hindi sumsabak sa live show. Tumutok kasi siya sa iba’t ibang klase ng work sa Tate.
Napilitang magpunta sa US noon si Mojack sa kasagsagan ng pandemic para maghanap ng pagkakakitaan. Kabilang siya sa nasagasaan nang husto ng pandemic, kaya bilang US citizen, naging last resort niya ay magpunta sa Amerika.
Grabeng hirap daw ang inabot niya sa bansa dahil February 2020 pa ay wala na silang mga show, cancelled daw lahat at pati downpayment ay pina-refund. Umabot ito ng almost nine months kaya naubos ang savings niya at nagkautang pa.
Ngayon ay isa siyang caregiver sa US.
Si Mojack ay isang muilti-awarded na entertainer na lumabas din sa pelikula at nakagawa ng ilang super-kuwelang single.
Nakilala rin noon si Mojack bilang impersonator ni Blakdyak dahil maituturing na mentor niya ito at isang matalik na kaibigan.
Isa sa mga awards na nakuha niya ang PMPC’s 11th Star Awards for Music winner, bilang Novelty Artist of the Year para sa kantang Katuga.
Kung hindi kami nagkakamali, huling nagshow sa Tate si Mojack ay noong 2022 pa.
Lately ay nagkaroon siyang muli nang chance na makapag-show, kaya naman nabanggit ni Mojack na ginanahan ulit siya na sumabak sa live shows.
Aniya, “Opo, pangatlo na po ito, pero ito po ay kakaiba dahil ito po ay magiging regular show ko with Rhiza Romero sa My Haus Bar and Restaurant na pag-aari ni Kuyang JP. Ito po ay mangyayari once a month lang, every third week of the month po.”
Dagdag pa ni Mojack, “Iyong nauna po ay noong June 1, ay produce ng Lions Club at Renaissance na ginanap sa Kusina Restaurant sa San Diego, California para itulong po sa mga nangangailangan nating mga kababayan. Kaya po ito pinamagatang “Dinner For A Cause”.
“Kaya taos-puso akong nagpapasalamat sa mga ate kong sina Ate Merlinda Aldefolla, Ate Solita Ceniza at Jhean Mendoza at lahat ng miyembro ng nasabi ko pong club.
“Bale, sinundan naman po ng June 2 show entitled “Unforgettable Summer” na ginanap naman po sa Salud Lounge sa Temecula, California. Produced by Ate Merlyn Mejia, na kasama ko po ay sina Rhiza Romero, Maricel Tabuan, at ang Prince of Teleserye Theme Song, Bryan Termulo, na super-bait po talaga.”
Aminado rin si Mojack na na-miss niya ang mag-concert o mag-show.
“Yes po, kasi ilang years po talaga akong hindi sumampa ng entablado at hindi na po sana, pero noong may nagtiwala po ulit para ipamalas ko po ang aking talents, kaya grinab ko na po agad ang opportunity, hehehe.”
Itong sa June 21, sino ang mga kasama niya at ano ang dapat i-expect ng audience sa kanilang show titled Sing… Laugh Out Loud?
“Itong regular gig ko po na gaganapin sa June 21, Friday na ang venue ay sa My Haus Bar and Restaurant, ito’y with Rhiza, asahan po nila ang walang tigil na tawanan at kantahan dahil pareho po kaming komedyante at may kanya-kanyang estilo sa pagpapatawa.
“Ang audience rito sa Amerika ay halo po, Pinoy at ibang lahi po. Ang nakakatuwa sa ibang lahi, sports sila sa lahat ng bagay kahit ano ang ipagawa mo sa kanila, para sa katuwaan ng manonood gagawin nila. Kaya nabuhay po ulit ang enerhiya ko sa entablado para magpasaya ng kababayan at makapag-dagdag ng mga bagong kaibigan, hahaha!”
“Ang na feel ko sa pagbabalik kong muli sa shows?” Ulit niya sa aming tanong. “Grabe! Sabi ko sana makayanan ko po at matuwa sila sa gagawin ko at pasok sa panlasa nila ang gagawin ko. Na ako nga lang po nakakagawa na hindi kinokopya lang o gumagaya lang,” nakatawang esplika pa ni Mojack.
“At abangan pa po nila ang mga upcoming shows pa hanggang December, inaayos lang po. Well sa August 9, 2024 balik po kami ni Bryan Termulo sa San Diego na gaganapin po ulet sa Kusina Bar and Restaurant. Produced by Ate Liza Jack para naman po ito sa mga kababayan nating mga bata para, mapakain ang daan-daan po sa kanila,” pahabol pa ni Mojack.
Kilala si Mojack sa husay bilang performer, hindi lang sa kantahan kundi maging sa comedy. Riot na performer siya kumbaga, kaya hindi dapat palagpasin ang regular gig niyang ito.