HARD TALK
ni Pilar Mateo
NAKA-KALAHATING taon na. Sa muli nitonf pagbubukas nagdiwang ng ika-40 anibersaryo ang kauna-unahang sing along/comedy bar na kinilala sa bansa, ang Music Box.
Sa patuloy na pamamayagpag nito sa suporta ng sister bar na The Library ni Mamu Andrew de Real, natutupad ang goal nila ng business partner na si Jerick Gadeja na mas marami pang talento ang mangibabaw sa mga patuloy ding nagwo-workshop sa kanilang Bagong Sibol.
May D’Calibre Entertainment Talent Management si Jerick. Na karamihann nga ay sumasampa na at nagho-host sa naturang sing-along bar.
At isa sa talaga namang napansin sa kahusayan sa pag-awit mula nang magbukas ito ngayong taon (noong Enero) ay ang napaka-guwapo ring si Kurt Fajardo.
Nadiskubre si Kurt ni Mamu Andrew sa isang comedy bar sa Pasay (Joke Time). Namasyal si Kurt kasama ang kapatid na si Levin. Pareho silang kumakanta at mahilig sa musika. Kaya nga sa pandalas na nilang punta roon hanggang dumako na sa The Library eh nabansagan na silang Kantatero Brothers.
Pero bago pa man ‘yun ang pagla-live selling na pala ang pinagkakaabalahan ni Kurt.
Si Mamu ang nagpakilala kay Kurt kay Jerick. Kaya isinama na siya sa D’Calibre Entertainment.
At sa pandalas na pagdalaw ng isa pang may mata pagdating sa mga talentong gaya ni Kurt na si ‘Nay Jobert Sucaldito, nakuha ang atensyon nito.
Kung may lalaking version si Andrea Brillantes, si Kurt ‘yun. Ganoon kaganda at kaguwapo ang kanyang mukha. Na talaga namang pinagkakaguluhan ng kababaihan, kabaklaan, at mga cougar na napapadpad sa Music Box at sa iba pang kinakantahan nito.
Naging paborito agad siya ni ‘Nay Jobert. Kaya agad-agad ang request nito ng mga kanta ng Air Supply sa binata kapag dumadalaw sa Music Box.
Doon nabuo ang desisyon na papagawaan na ng kanta ni ‘Nay Jobert si Kurt kay Joven Tan. At mabilis na ang mga sumunod na pangyayari.
Noon pa ay naipadala na namin sa Star Music ang ilang sample ng pagkanta ni Kurt. At ngayon ngang may kanta na ito ay masususugan nang nakipag-collab na kina Mamu at na si ‘Nay Jobert para sa karera ni Kurt bilang mang-aawit.
Nagawa agad ang kanta. Sakyan Mo Pa ang titulo ng awitin na iri-release na sa Spotify very soon. Isa’t kalahating oras lang ito nai-record ni Kurt kaya tuwang-tuwa sina ‘Nay Jobert at Joven sa kanya.
Ayon kay ‘Nay Jobert, pang-jukebox ang dating nito. Kaya abangan na ang pag-alagwa ni Kurt sa mundo ng musika!