ni ALMAR DANGUILAN
HINDI napanindigan ng isang 31-anyos lalaking amok ang tapang na hiniram sa bitbit na sumpak para maghasik ng sindak sa kanilang kapitbahayan matapos arestohin ng mga awtoridad sa Quezon City nitong Martes ng madaling araw at ngayo’y sa karsel bumagsak.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station 4 chief, P/Lt. Col. Reynaldo Vitto, ang suspek na nagkasapak dahil sa sobrang pag-inom ng alak na si Ian Carlo Jacob, 31, residente sa Brgy. Kaligayahan, Quezon City.
Sa imbestigasyon, bandang 1:00 ng madaling araw kahapon, 4 Hunyo, nakatanggap ng tawag ang mga pulis mula sa isang concerned citizen at inireklamo ang isang lalaking lasing na nagwawala habang may hawak na sumpak.
Agad nagresponde ang mga pulis at naabutan pa ang suspek habang nagwawala, tinatakot, at sinisindak ang lahat habang armado ng improvised shotgun o sumpak.
Mabilis na inaresto ng mga pulis ang suspek hanggang makompiska ang sumpak na kargado ng 12 bala.
Inihahanda ang kasong Alarms and Scandals at paglabag sa RA 10591, o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition laban sa suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Pinuri ni QCPD Director, P/BGen. Redrico A. Maranan ang maagap na pagresponde ng mga tauhan ng PS-4 sa nasabing insidente na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at pagkakakompiska sa baril nito.