NASAKOTE ang limang hinihinalang tulak, apat na wanted na pugante, at limang suspek sa ilegal na sugal sa serye ng mga operasyong ikinasa ng mhga awtoridad sa lalawigan ng Bulacan nitong Lunes, 3 Enero.
Sa mga ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, naaresto ang limang hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit ng Bocaue, San Miguel, at Plaridel MPS.
Nakumpiska mula sa mga nadakip na suspek ang 18 piraso ng transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu, 24 piraso ng maliit na transparent plastic na naka-zip lock na pinaniniwalaang marijuana, at buybust money.
Samantala, nasukol ng tracker teams ng magkasanib na mga tauhan ng Bulacan 1st PMFC, Guiguinto at Bulakan MPS, RMFB 3 at RIU-PIT, pinagsamang elemento ng San Ildefonson MPS at Goa MPS, Camarines Sur, Meycauayan CPS, at Doña Remedios Trinidad MPS ang apat kataong pinaghahanap ng batas wanted magkakaibang manhunt operations.
Gayundin, arestado ang limang kataong huli sa akto ng ilegal na sugal na cara y cruz sa operasyong ikinasa ng San Jose Del Monte CPS.
Nakumpiska sa operasyon ang tatlong piraso ng pisong barya na ginamit bilang pangara, at pera sa iba’ t ibang denominasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga arresting station ang mga akusado para sa kaukulang disposisyon at dolumentasyon. (MICKA BAUTISTA)