DINAKIP ng Quezon City Police District (QCPD) ang live-in partners na pinaghihinalaang drug pusher makaraang makompiskahan ng hinihinalang shabu sa isinagawang buybust operation sa lungsod.
Sa ulat kay QCPD District Director, P/Brig. Gen. Redrico Maranan, kinilala ang naaresto na sina Robin Bernardo, 42 anyos, at Aubrey Fallorina, 42 anyos, kapwa residente sa Extension Project 8, Quezon City.
Naaresto ang dalawa sa anti-illegal drug operation ng Project 6 Police Station (PS 15) sa ilalim ni PLt. Col. Richard Mepania, nitong 3 Hunyo 2024 ng 11:30 pm sa Project 8, Bahay Toro, Quezon City.
Nakompiska sa mag-live-in ang 38 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P258,400, isang black pouch, at buybust money.
Ang dalawa ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Quezon City Prosecutor’s Office. (ALMAR DANGUILAN)