ARESTADO ang tatlong Chinese nationals dahil sa pagbebenta ng 500 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3,400,000 kasunod ng buybust operation sa Timog Park Subdivision, lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga, dakong3:15 ng madaling araw nitong Martes, 4 Hunyo.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agenct (PDEA) Pampanga Provincial Officer ang mga naarestong suspek na sina Liao Hong Tao, 31 anyos; Li Guo, 37 anyos; at Wan Li, 41 anyos.
Nasamsam mula sa mga suspek ang isang SUV at iba’t ibang unit ng cellphone na pinaniniwalaang ginagamit sa operasyon ng POGO.
Nabatid mula sa mga ahente ng PDEA na halos isang taon nang namamalagi sa bansa ang mga naarestong suspek.
Bukod sa 500 gramo ng shabu, narekober rin ang iba’t ibang unit ng cellphone na hinihinalang ginagamit sa operasyon ng POGO at pinaniniwalaang sangkot rin ang mga suspek sa pamamahagi ng droga sa mga manggagawa ng POGO.
Kasalukuyan nang inihahanda ang kasong paglabag sa Section 5 kaugnay ng Section 26B ng RA 9165 na isasampa laban sa mga dayuhang suspek. (MICKA BAUTISTA)