ISANG natatanging pagpapamalas ng sining ang minarkahan ng pagdiriwang ng Baliwag Buntal Festival sa SM City Baliwag sa pamamagitan ng Ico at Lety Cruz Art Competition Awarding and Exhibit, na nagtatampok ng mga natatanging likha ng mga lokal na artista mula sa iba’t ibang bahagi ng Bulacan.
Ginawang posible ang programa ng pamahalaang lungsod ng Baliwag, sa pamamagitan ng Museo ng Baliwag, Baliwag City Library, at Baliwag City Arts, Culture, and Tourism Office, katuwang ang SM City Baliwag.
Mula noong 2022, nagbibigay ang programa ng plataporma para sa mga artista upang ipakita ang kanilang mga obra habang lumilikha ng kamalayan sa loob ng komunidad patungkol sa pagpapaunlad ng sining at pagpapanatili ng lokal na kultura.
Nilalayon din nitong suportahan ang artistikong kasanayan sa pamamagitan ng mga insentibo tulad ng mga premyo, gawad, at, kamakailan, isang programa sa paninirahan.
Nagmula ang Ico at Lety Cruz Art Competition, na parangal sa mga aritistikong Baliwagenyos, sa yumaong Renato “Ico” Mateo Cruz, isang dating lingkod-bayan, at ang kanyang asawang si Leticia “Lety” Mercado-Cruz, isang tagapagturo, na naging masugid na tagapagtaguyod ng pag-unlad ng Baliwag.
Upang maipagpatuloy ang pamana nina Ico at Lety, ang kanilang mga anak ay nag-organisa ng kompetisyon katuwang ang pamahalaang lungsod.
“Kami, sa SM, ay ikinararangal na maging bahagi muli ng isa pang matagumpay na pagdiriwang ng Buntal Festival upang gunitain ang okasyong ito. At ngayon, sa pagdiriwang natin ng Buntal Festival sa pamamagitan ng sining, umaasa tayo sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga gawa ng mga hindi kapani-paniwalang artistang ito, mabibigyang inspirasyon ang mga bisita na muling tuklasin ang mundo ng sining at ang kahalagahan nito sa pagpapanatili ng pagkakakilanlang pangkultura,” pahayag ni SM City Baliwag Mall Manager Rodora Tolentino.
Ang prestihiyosong panel ng mga hurado ngayong taon para sa kategorya ng pagpipinta ay kinabibilangan ng pintor at printmaker na si Fil Delacruz; visual artist na si Mark Salvatus, Associate Director for Audience Development ng Metropolitan Museum of Manila; Randel Urbano, Division Chief of History and Heritage-Bulacan PHACTO; May Arlene Torres, Cultural Heritage Advocate; at apo nina Ico at Lety Cruz na si Santiago Cruz.
Pinarangalan bilang mga nanalo para sa kategorya ng pagpipinta sina Mark Christopher Quizon ng Baliwag sa unang puwesto; Ryan Francisco Caslib ng San Jose Del Monte, sa ikalawang puwesto; at Argee Dacuyan ng Calumpit, sa ikatlong puwesto.
Para sa on-the-spot painting category, ang mga nanalo ay sina Nathaniel Lopez ng Baliwag, sa unang puwesto; Mark Christopher Quizon ng Baliwag, sa ikalawang puwesto; at Ann Lorraine Miranda ng Baliwag, sa ikatlong puwesto. (MICKA BAUTISTA)