KUMALAT sa kalapit na ilog ang oil spill na nagsimula sa isang shipyard sa bayan ng New Washington, lalawigan ng Aklan, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard nitong Huwebes, 30 Mayo.
Ayon sa PCG, naganap ang oil spill noong Linggo, 26 Mayo sa Brgy. Polo, sa nabanggit na bayan, habang natagpuan ang mga marka ng oil sheen sa tabing ilog sa Brgy. Poblacion.
Ayon sa mga awtoridad, nagmula ang tumagas na langis sa isang non-operational barge na naka-angkla sa shipyard.
Samantala, patuloy ang operasyon ng PCG upang mapatigil at mahadlangan ang tuluyang pagtagas ng langis gamit ang mga absorbent pads at absorbent booms.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng PCG na mano-mano nilang kinokolekta ang langis habang gumagamit ang mga empleyado ng shipyard ng mga heavy equipment upang tipunin ang mga debris.
Nakatakdang maglabas ang PCG ng impormasyon sa kabuuang litro ng langis na tumagas sa lugar.