SA MULING pagsasagawa ng operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nasakote ang pitong hinihinalang tulak, apat na wanted na pugante, at tatlong kataong sangkot sa ilegal na sugal hanggang kahapon, Miyerkules, 29 Mayo.
Ayon sa mga ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, nadakip ang pitong personalidad sa droga sa ikinasang buybust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Meycauayan, Malolos, San Rafael, at Marilao C/MPS.
Nasamsam sa mga ikinasang operasyon ang 21 plastic sachet ng hinihinalang shabu, iba’ t ibang drug paraphernalia, at buybust money.
Samantala, dinakip ang apat na kataong wanted sa iba’t ibang kaso sa bisa ng mga warrant of arrest sa mga manhunt operations na isinagawa ng tracker teams ng Meycauayan, Norzagaray, Marilao, at Pandi C/MPS.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Rochelle para sa kasong Slight Physical Injuries sa Brgy. Bigte, Norzagaray; alyas Patrick para sa kasong Attempted Homicide; alias Melisa para sa kasong paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act; at alyas Ret para sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Gayundin, inaresto sa ikinasang anti-illegal gambling operation ng Balagtas MPS ang tatlong kataong naaktuhan sa ilegal na sugal na tong-its.
Nakumpiska sa operasyon ang isang set ng baraha at perang taya sa iba’t ibang denominasyon habang nasa kustodiya ng kanilang arresting unit o station ang mga suspek para sa nararapat na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)