MAS gugustuhin ng mga Taclobanon faithful na ipagdiwang ang kapistahan ng Santo Niño de Tacloban kaysa salubungin ang mga kalapastanganan at bastos na protesta tulad ng isinagawa ng mga Maisug rallyist, ayon kay Tacloban City Mayor Alfred S. Romualdez.
Sinabi ni Romualdez, dapat magpokus ang mga Maisug rallyist na aniya’y pinangunahan ni dating Presidente Rodrigo Duterte sa ibang isyu dahil hindi mareresolba ng kanilang mga protesta ang mga kailangang harapin agad na isyu.
“They’re celebrating the Feast Day of Santo Niño. Maraming relihiyoso dito. Natatakot din ang mga tao dito. May pagmumura, hindi maganda ang mga sinasabi. ‘Di naman nila gusto ‘yun,” pahayag ni Mayor Romualdez sa isang panayam sa radyo.
“Hindi naman sa kalye inaayos ‘yan. ‘Pag may problema, nag-uusap naman. ‘Yung anak niya Vice President, e ‘di kausapin si Presidente anytime. Kami mga simpleng tao sa Tacloban, ano magagawa naman po namin?” dagdag niya.
Sinang-ayunan ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang mga Taclobanon faithful, at sinabing, “Huwag naman sana gamitin itong pamamaraan para mambastos. Mas marami pa yatang mura (ang mga naunang rally nila). Wala naman akong naririnig na panalangin.”
Binatikos din ni Mayor Romualdez ang Maisug rallyists sa pamimilit sa mga tao na lumabas gayong nananalasa ang bagyo sa bansa, binigyang-diin na pinoproteksiyonan lamang ng local government ang mga mamamayan.
“Huwag na gano’n. Bakit palalabasin ang mga tao kung umuulan? Masama ang panahon. Tapos ‘pag may mangyari, siyempre sagot din namin yon,” ayon sa local chief executive.
“Hiling ko lang naman sa kanila, dito sa Tacloban, kasagsagan ng Yolanda, natapos ang Yolanda, dini-discourage talaga namin ang rally rally. Wala naman ho maso-solve ‘yan e,” dagdag niya.
Pinabulaanan din ng alklade ang akusasyon ng dating Pangulo na hinihigpitan ng local government ang mga flight sa Tacloban upang hindi makarating ang Maisug rallyists.
“‘Yung airport po namin under repair, kaya walang lumilipad sa gabi. Kaya punong-puno ‘yan sa araw,” ani Mayor Romualdez.
“Pagdating ng Mayo, pagdating ng June, marami talagang piyesta dito. Talagang mataas ang pasahe, mahirap maka-book ng flight,” aniya.