ni ALMAR DANGUILAN
ITINUTURING ng Quezon City Police District (QCPD) na lutas na ang pagpaslang kay Land Transportation Office (LTO) Registration Division Chief Mercedita Gutierrez nitong nakaraang Biyernes, 24 Mayo 2024 makaraang maaresto ang suspek sa isinagawang follow-up operation.
Kinompirma ang pagkakalutas ng kaso ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr., sa isang pulong balitaan kahapon ng umaga sa isinagawang aktibidad ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan siya ang panauhing pandangal.
Ayon sa kalihim, naaresto ng QCPD, na pinamumunuan ni District Director, P/Brig. Gen. Redrico Maranan ang suspek na kinilalang isang alyas Danny.
Ang pagkakakaaresto sa suspek ay bunga ng binuong Special Investigation Task Group (STIG) Gutierrez ng QCPD na pinamunuan ni Acting District Director, P/Col. Amante Daro.
Nadakip ang suspek nang siya’y matunton dahil sa nalaglag niyang belt bag, impormasyon ukol sa ginamit na motorsiklo tulad ng OR at CR, mga kuha sa CCTV at salaysay ng apat na saksi.
Samantala, ayon sa pulisya hindi pa tukoy ang motibo sa pagpaslang pero nagsasagawa ang pulisya ng background check sa suspek habang hindi inaalis ang anggulo kung ang krimen ay may kinalaman sa trabaho ng biktima o kung may nag-utos sa suspek, o personal na galit.
Si Gutierrez ay pinagbabaril sa loob ng kanyang sasakyan sa kanto ng K-H St., at Kamias Road, Barangay Pinyahan, QC noong Biyernes, 6:20 pm, 24 Mayo 2024.
Naisugod sa ospital ang biktima pero idineklarang patay na ng attending physician.