SUPORTADO ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) ang hakbang ng Premier Volleyball League (PVL) na bumalangkas ng isang code of ethics at mga regulasyon sa disiplina bilang tugon sa isang nag-viral na kaganapan sa isang manlalaro ng Petrogazz na nahuli ng live camera na gumawa ng malaswang galaw sa kasagsagan ng laro.
Ipinatawag ng MTRCB ang pamunuan ng PVL, ang mga prodyuser ng palabas, at mga brodkaster (Nine Media at Cignal TV) para matiyak ang pagsunod nila sa mga pamantayan ng etikal na pagbobrodkast ng kanilang liga.
“Nalulugod kami sa MTRCB na ang aming pag-uusap ay nag-ambag sa pagbuo ng isang mas etikal at responsableng sports environment,” sabi ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto.
“Sa loob at labas ng court, hindi lamang sila mga atleta kundi mga huwaran ding halimbawa ng mamamayan na nakai-impluwensiya sa mga batang manonood. Kaya dapat silang maging mas maingat at responsable sa kanilang mga aksyon,” dagdag ni Sotto.
“Tinitingala sila ng mga kabataan, kaya dapat silang maging mabuting halimbawa bilang mga atleta. Kapuri-puri ang pamunuan ng PVL sa kanilang aksiyon, dahil sa kanilang paglikha ng sariling code of ethics,” sabi pa ni Sotto.
Inanunsiyo ni PVL Commissioner Sherwin Malonzo na ang liga ay nakagawa ng isang komprehensibong code of conduct, na naglalarawan ng proseso, mga parusa, at mga sanksiyon para sa anumang paglabag.