ARESTADO ng mga awtoridad ang dalawang indibidwal na pinaniniwalaang mag-asawang mula sa Nueva Ecija na nagtangkang magpuslit ng ilegal na droga sa bayan ng Guiguinto, sa lalawigan ng Bulacan nitong Sabado ng umaga, 25 Mayo.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, isinigawa ang isang anti-illegal drug operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Guiguinto MPS ang nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto sa mag-asawang tulak na mula sa bayan ng Gapan, Nueva Ecija.
Nabatid na dakong 3:00 ng madaling araw kamakalawa, kumasa sa buybust operation ang suspek na 42-anyos na misis, isang online seller, at kanyang 44-anyos na mister sa transaksiyon sa ilegal na droga sa Brgy. Poblacion, sa nabanggit na bayan.
Matapos magpositibo sa pagtutulak ng ilegal na droga, agad na dinakip ng mga operatiba ang mag-asawa na hindi nagawang makatakas matapos pagsalikupan ng mga operatiba pati na ang sinasakyang Toyota Vios na gamit nila sa operasyon.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na piraso ng medium heat-sealed transparent plastic sachet at isang piraso ng maliit na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 202.36 gramo ang timbang at tinatayang nagkakahalaga ng P1,376,000; at buybust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda na ang naaangkop na kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para sa pagsasampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)