Sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang lugar sa lungsod ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan na pinaniniwalaang kuta ng mga durugista at tulak nitong Sabado, 25 Mayo.
Nadakip sa operasyon ang drug den maintainer at tatlo niyang galamay habang nasamsam mula sa kanila ang P68,000 halaga ng hinihinalang shabu sa Upper Quarry, Brgy. Minuyan Proper, sa nabanggit na lungsod dakong 3:30 ng hapon kamakalawa.
Ayon sa ulat mula sa hepe ng PDEA Bulacan, ang makeshift drug den ay minamantine ng suspek na kinilalang si Joseph Degala, 42 anyos, na hindi na nakapanlaban nang arestuhin ng mga awtoridad.
Kinilala ang tatlong kasabwat na suspek na sina Raquel Arante, 43 anyos; Michael Antoni, 27 anyos, kapuwa residente ng Upper Quarry; at Gildo Gonzales, 32 anyos, residente ng Lower Quarry, pawang sa naturang barangay.
Narekober mula sa mga suspek ang anim na piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng 10 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P68,000; sari saring drug paraphernalia; at ang marked money na ginamit ng poseur buyer.
Napag-alamang matagal na dumaan sa pagmamanman ng mga awtoridad ang naturang lugar dahil sa mga impormasyong ito ay batakan ng mga durugistang adik bukod pa sa talamak ang pagtutulak ng shabu dito.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsamang elemento ng PDEA Bulacan at lokal na pulisya samantalang ang mga naaresto ay mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)