WINASAK ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bataan Police Office (BPO) sa pakikipagtulungan ng Orion MPS, ang isang pinaniniwalaang drug den sa bayan ng Orion, lalawigan ng Bataan nitong Martes ng gabi, 21 Mayo.
Nadakip sa operasyon ang apat na suspek na kinilalang sina Rona Buenaventura, 39 anyos, Zaldy Cruz, 38 anyos, kapuwa mga residente sa Brgy. Bilolo, sa bayan ng Orion; Allan Buenaventura alyas Black, 44, residente sa Brgy. Kitang II, at Luz, sa bayan ng Limay; at Edgardo Roxas, 49 anyos, residente sa Sandigan Village, bayan ng Orion.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 13 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P88,400; sari-saring drug paraphernalia; at buybust money.
Dinala ang nakompiskang illegal substance sa PDEA RO III laboratory para sa forensic examination habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002 na nakatakdang isampa laban sa mga nadakip na suspek. (MICKA BAUTISTA)