NASAKOTE ang 24 inidbiduwal na sangkot sa iba’t ibang krimen at paglabag sa batas sa sunod-sunod na operasyong isinagwa ng mga awtoridad sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Martes ng umaga, 22 Mayo 2024.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, arestado ang 15 hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa buybust operation na isinagawa ng mga Station Drug Enforcement Unit ng Malolos at Meycauayan CPS, Guiguinto, San Rafael, San Miguel, Calumpit, at Angat MPS.
Nakompiska mula sa mga naarestong suspek ang 52 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at buybust money.
Samantala, nadakip rin ang anim na indibiduwal na wanted sa iba’t ibang krimen at paglabag sa batas, ng mga tracker team mula sa Malolos CPS, San Rafael, Guiguinto, Norzagaray, at Bulakan MPS.
Bukod dito, timbog ang tatlong indibiduwal na huli sa akto ng mga tauhan ng San Jose del Monte CPS sa ilegal na sugal na cara y cruz sa Towerville, Brgy. Sto. Cristo, sa nabanggit na lungsod.
Nakompiska mula sa mga suspek ang mga baryang ginamit bilang pangkara at perang taya sa iba’t ibang denominasyon. (MICKA BAUTISTA)