SA PATULOY na pagpapatupad ng Quezon City Police District (QCPD) sa programa ng Department of Interior and Local Government (DILG) – BIDA laban sa ilegal na droga, dalawang drug pusher ang naaresto makaraang makompiskahan ng P340,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buybust operation sa lungsod.
Sa ulat kay QCPD Director P/Brig. Gen. Redrico Maranan ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) Chief, P/Maj. Wennie Ann Cale, isinagawa ang operasyon dakong 10:00 am, 21 Mayo 2024, sa
Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City, na nagresulta sa pagkadakip kina Melody Jesalva, 41 anyos, residente sa Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City at Eddie Cruz, 54 anyos, residente sa Brgy. Pinyahan, Quezon City.
Ayon kay Cale, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa pagtutulak ng droga sa nasabing lugar kaya agad na nakipagkoordinasyon ang DDEU sa PDEA RO-NCR.
Sa buybust operation, dinamba ng mga operatiba ang dalawang suspek makaraang iabot sa pulis na nagpanggap na buyer ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.
Nakuha sa dalawa ang isang cellular phone, black pouch, at ang buybust money.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“The intensified campaign against illegal drugs through the DILG’s BIDA program focuses on drugs demand reduction in the communities. Hence, we encourage the families, schools, barangay officials and other stakeholders to continuously support the efforts of QCPD by providing information,” pahayag ni Maranan kasabay ng pagpuri sa tropa ng DDEU. (ALMAR DANGUILAN)