HUMANTONG sa pagkakaaresto ng dalawang durugistang tulak kabilang ang walong pasaway sa batas ang patuloy na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang kahapon ng umaga.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, isang drug-sting operation ang ikinasa sa Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan, dakong 10:40 pm kamakalawa na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto sa dalawang sinabing durugista na kinilalang sina alyas Jason at alyas Maridel, nasa talaan ng watchlist ng Philippine National Police – Philippine Drug Enforcement Agency (PNP-PDEA).
Nakompiska sa mga suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu at marked money na dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa kaukulang pagsusuri, habang ang reklamong kriminal para sa paglabag sa RA 9165 laban sa mga suspek ay inihanda para sa pagsasampa ng korte.
Bukod dito, apat na puganteng sangkot sa iba’t ibang krimen at paglabag sa batas ang inaresto ng tracker team ng Meycauayan, Sta. Maria, Marilao, at Malolos C/MPS sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte.
Samantala, apat na indibiduwal ang nahuli sa aktong nagsusugal ng “dice game” sa Barangay San Rafael III, City of San Jose Del Monte, Bulacan at nakompiska sa kanila ng mga awtoridad ang tatlong piraso ng dice at perang ipinantaya sa iba’t ibang denominasyon. (MICKA BAUTISTA)