HARD TALK
ni Pilar Mateo
INIHALAL na ng bagong sibol na grupo ng media practitioners ng mga peryodista at tabloidista, vloggers, photojournalists, talent developers, at website operators ang set of officers ng The Entertainment Arts and Media (TEAM) para sa 2024-2026.
Ang bagong halal na pamunuan ay kinabibilangan nina: Nonie Nicasio, presidente; Anne Venancio, bise presidente; Maridol Ranoa-Bismark, kalihim; Maryo Banlat Labad, katulong na kalihim; Obette Serrano, ingat yaman; Noel Benesisto Orsal, katulong na ingat yaman; Wendell Alvarez, awditor/tagasuri; Pilar Mateo at Danny Vibas, mga tagapagpahayag.
Kabilang naman sa mga miyembro sina: Roland Lerum, Cesar Ian Batingal, Jhay Orencia, Boy Borja, Marialuz Candaba, Adjes Carreon, Nimfa Chua, Sany Chua, Audie See, at Atorni Ton.
Isang proyekto ang nakatakdang isagawa ng TEAM, isang outreach project para sa 2024. Sa ikalawang pagkakataon, isang gift-giving at feeding visit sa Child Haus, na isang tahanan para sa mga batang na-diagnose ng cancer at nangangailangan ng medical attention at treatment sa iba’t ibang pagamutan sa Metro Manila na nagmula sa mga lalawigan ang bibiyayaan ng pagpapala ng grupo.
Matatagpuan ang Child Haus sa 1448 F. Agoncillo St. in Malate, Manila. Ang proyekto ay isasagawa ng TEAM sa Hunyo 9 na layunint magpasaya sa mga bata at kanilang pamilya na sisimulan sa pamamagitan ng isang Santa Misa kasunod ang pakikipagsaya ng mga naanyayahang panauhin mula sa iba’t ibang network para makasalamuha ng mga bata.
Maghahatid din ng pananghalian para sa lahat ang Kusina Manileño, handog ng Manila Vice Mayor, Yul Servo Nieto.
Ikalawang pagkakataon na ng TEAM na piliin ang Child Haus bilang beneficiary ng outreach program. Na sa ilang panahon ay isinasagawa na ng TEAM isang beses sa isang taon. Kabilang na ang mga tahanan para sa mga inabandona, mga may edad at kabataan ang naikot ng grupo sa pagsasagawa at paghahatid ng tulong.