INIHATID ni Gobernador Daniel R. Fernando ang pinansiyal na tulong at emergency relief items sa 51 pamilyang biktima ng sunog na naganap sa Sitio Capin, Brgy. Ilang-Ilang, Guiguinto, Bulacan noong Martes, 14 Mayo 2024.
Ginanap ang pamamahagi sa Guiguinto Municipal Park sa Rosaryville Subdivision Phase l, Brgy. Ang Sta. Cruz at nakatanggap ang 51 pamilya ng tig-P10,000 pinansiyal na tulong mula kay Fernando.
Samantala, binigyan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang bawat pamilya ng tig-50 kilong bigas at emergency kits kabilang ang unan, kulambo, plastik na banig at kumot. Ang mga may-ari ng mga lubos na nasirang bahay ay magkakaroon ng karagdagang tulong na P10,000 habang P5,000 naman para sa mga may-ari na bahagyang nasirang mga bahay ngunit sasailalim muna sa pagtatasa ng mga pinsala.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Fernando na patuloy na tutulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga nangangailangan at nangako ng P1 milyong halaga ng mga materyales na ilalaan para sa muling pagbangon at konstruksiyon ng mga nasirang bahay ng mga biktima.
Ipinabatid niya sa mga benepisaryo na nagmungkahi ang pamahalaang panlalawigan ng dredging project para masolusyonan ang problema sa pagbaha sa Guiguinto partikular sa bahagi ng ilog sa barangay na lubhang maraming burak.
Binisita ng gobernador kasama si Guiguinto Mayor Agatha Paula “Agay” Cruz ang kalagayan ng mga biktima sa evacuation center. (MICKA BAUTISTA)