DEAD-ON-THE-SPOT ang isang ginang na sakay ng tricycle matapos holdapin at barilin ng mga lalaking magkaangkas sa motorsiklo sa Brgy. Caingin, sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles, 15 Mayo.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang biktimang si Alona Oliveros, tinatayang edad 35-40 anyos, may asawa, market collector sa Batia Market, residente sa Bernardo Compound, Brgy. Caingin, sa nabanggit na bayan.
Nabatid na sakay ang dalawang hindi kilalang suspek suot ang itim na jacket at helmet ng kulay itim na motorsiklong Suzuki Burghman ngunit walang plaka.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga tauhan ng Bocaue MPS, bago ang insidente, sumakay ang biktima ng tricycle mula sa Batia TODA terminal sa Brgy. Batia dakong 2:00 pm.
Pagdating sa Brgy. Caingin, habang nakahinto ang tricycle, biglang sumulpot ang mga suspek saka dalawang beses na binaril ng back rider sa ulo ang biktima na agad niyang ikinamatay.
Matapos isagawa ang krimen, kinuha ng mga armadong kalalakihan ang shoulder bag ng biktima saka sumakay ng kanilang getaway motorcycle patungo sa direksiyon ng bayan ng Sta. Maria.
Kasunod nito, mabilis nagsagawa ng flash alarm at dragnet operation ang Bulacan PNP para sa ikadarakip ng mga suspek habang ang lugar ng krimen ay ipinoproseso sa tulong ng SOCO. (MICKA BAUTISTA)