BINAWIAN ng buhay ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng apat na pinaniniwalaang kanilang mga kaalitan sa bayan ng Pandi, lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles ng madaling araw, 15 Mayo.
Sa ulat na kinalap mula sa tanggapan ni P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang mga biktimang sina sina Jairus Lao, alyas Jay, 39 anyos, at Khalil Dimaporo, alyas Kesi, 27 anyos, kapwa mga construction worker at mga residente sa Padre Pio, Brgy. Cacarong Bata, sa nabanggit na bayan.
Samantala, kinilala ang mga itinuturong suspek na sina alyas Jay Tattoo, alyas Ali, alyas Austria, at isang John Doe na pawang naninirahan din sa nasabing resettlement area.
Napag-alaman sa pagsisiyasat, kinilala ang biktimang si Lao ng kanyang kinakasamang si Jennifer De Guzman, 34 anyos.
Nabatid sa pagbeberipika sa PNP CIRAS at E-Rouge System ng Pandi MPS na si Lao ay dati nang naaresto sa paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 noong 25 Mayo 2021 gamit ang pangalang Jay Alosima y Mamot.
Samantala, kinilala ang ikalawang biktima ng kanyang inang si Sobel Soneja, 50 anyos, bilang Khalil Dimaporo, alyas Kesi na agad dinala ng Pandi Rescue sa Bulacan Medical Center, sa lungsod ng Malolos, upang lapatan ng lunas ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.
Bukod dito, habang ginagamot siya, narekober ng radiologist ng nasabing ospital ang isang maliit na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at iba pang drug paraphernalia mula sa kanya na isinuko kay P/MSgt. Wenefredo Dalagan, Jr., Chief Investigator ng Pandi MPS.
Nakapanayam ng nagrespondeng imbestigador sa pinangyarihan ng krimen na si P/MSgt. Maximo Caramol, Jr., (IOC) ang biktimang si Khalil alyas Kesi, bago namatay ay sinabing binaril sila nina alyas Jay Tattoo at ng kanyang tatlong kasamahan.
Dagdag pa, nakapanayam ni P/MSgt. Dalagan, Jr., ang biktimang si Khalil Dimaporo habang sumasailalim sa pagpapagamot sa nasabing ospital at nakapagdokumento ng naghihingalong deklarasyon na sina alyas Jay Tattoo, alyas Ali, alyas Austria at isang hindi kilala, ang bumaril at nagpaputok sa kanila.
Sa isinagawang follow-up investigation ng IOC, ikinuwento ni Sobel Soneja, ina ni Khalil, ilang linggo na ang nakararaan, ayon sa kanyang anak ay binantaan siya nina alyas Ali at alyas Austria sa hindi pa matukoy na dahilan.
Dumating ang SOCO Team sa pangunguna ni P/Maj. Merlyn Mondia, sa pinangyarihan ng krimen at iprinoseso ang lugar habang nagpapatuloy ang follow-up investigation at operasyon upang alamin ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sina alyas Jay Tattoo, alyas Ali, alyas Austria at isang John Doe. (MICKA BAUTISTA)