Determinado si Gobernador Daniel R. Fernando na tuparin ang kanyang pangako na bawasan ang trapiko sa pamamagitan ng road clearing operation at pagsiguro sa isang ligtas at mapayapang probinsiya sa kanyang pangunguna sa 2nd Quarter Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) kahapon sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center dito.
“Magkaroon tayo ng public hearing tungkol sa mga road clearing operation, mga pagpupulong kasama ang mga alkalde, APCs, mga kapitan, kung paano natin malulutas, at kung paano natin ipatutupad ang mga road clearing operation na ito. Malaking bagay ito para maibsan ang trapiko, lalo na sa Bulacan,” ani Fernando.
Ipinahayag din niya ang pasasalamat para sa patuloy na suporta mula sa bawat miyembro ng konseho at ipinunto ang kahalagahan ng pagkakaisa upang maabot ang mga layunin ng mga konseho para sa taong ito.
Sa idinaos na joint meeting, ibinahagi ni PDEA Provincial Officer IA V John Jermir Almerino ang mga update sa mga aksyon kontra iligal na droga kabilang ang drug affectation, mga napagtagumpayan mula Abril hanggang Mayo 2024, mga naisagawa ng iba’t ibang ahensya, at mga plano sa hinaharap.
Tinalakay naman ni PCOL Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan Philippine National Police, ang mga isyu patungkol sa kriminalidad, sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan, gayundin ang mga tagumpay sa operasyon, administratibo at mahahalagang tagumpay.
Inilahad din ng 70th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines ang mga paksa hinggil sa pag-aaklas o rebelyon kabilang ang kanilang lugar ng operasyon, mga banta sa sitwasyon at disposisyon at lokasyon ng hukbo.
Gayundin, tinalakay ng DILG Bulacan ang mga paksa kabilang ang resulta ng awdit sa mga lokal na pamahalaan (POC at ADAC), clearing operations sa mga kalsada sa barangay, pagsasagawa ng regional BIDA dialogue at ang iminungkahing BDCP leveling session.
Dininig din sa pagpupulong ang pagbabasa at pagsusuri ng mga minuto ng pagpupulong mula sa pulong para sa unang kwarter na pinangunahan ni Dir. Myrvi Apostol-Fabia, CESO V, DILG Bulacan Provincial Director.
Kabilang sa iba pang paksang tinalakay ang batayan para sa pagkilala sa mga mga top performing city at municipal POCs. (Micka Bautista)