NASAKOTE ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bataan Provincial Office ang isang kilalang drug personality at tatlo niyang kasabwat na nagresulta sa pagkakasamsam ng tinatayang P115,600 halaga ng ilegal na droga kasunod ng ikinasang buybust operation nitong Miyerkoles ng gabi, 15 Mayo, sa bayan ng Lima, lalawigan ng Bataan.
Kinilala ng hepe ng PDEA Bataan ang mga nadakip na suspek na sina Danilo Fernando, 32 anyos; Melvin Dollente, 39 anyos; Joco Punzalan, 27 anyos; at Bryan Fernando, 37 anyos, sa Brgy. Kitang II at Brgy. Luz sa nabanggit na bayan dakong 10:50 pm kamakalawa.
Nakompiska sa operasyon ang pitong plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 17 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P115,600; shabu paraphernalia; at buybust money na ginamit sa transaksiyon.
Hinikayat ng PDEA Bataan Provincial Officer ang publiko na manatiling mapagmatyag at iulat ang mga kahinahinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na droga upang mapanatili ang katayuan ng Bataan bilang drug-cleared province.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nahuling suspek. (MICKA BAUTISTA)