TULUYANG nahulog sa kamay ng batas ang isang wanted na kriminal kabilang ang 12 indibiduwal na pawang may paglabag sa batas sa dalawang araw na operasyon ng pulisya sa Bulacan.
Kinilala ang isang alyas Joel, naarestong akusado na natutop ng tracker team ng Bulacan PNP sa kanyang pinagtataguan sa Brgy. Sta.Cruz, Hagonoy, Bulacan dakong 8:00 pm kamakalawa.
Si alyas Joel ay wanted sa krimeng frustrated murder at ang bisa para sa pag-aresto ay inilabas ng Presiding Judge ng RTC Branch 83, City of Malolos, Bulacan.
Gayondin, 10 kriminal na wanted sa iba’t ibang krimen at paglabag sa batas ang inaresto ng tracker team ng Bulacan PNP sa bisa rin ng warrant of arrest na inisyu ng korte.
Samantala sa drug-sting operation na isinagawa sa Brgy. Balite, San Miguel, Bulacan, nagresulta ito sa matagumpay na pagkaaresto sa dalawang indibidwal na sina alyas Regi at alyas Nin na nakatala sa PNP-PDEA unified watchlist.
Nakompiska sa mga suspek ang apat na sachet ng hinihinalang shabu at marked money na dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa kaukulang pagsusuri, habang ang reklamong kriminal para sa paglabag sa RA 9165 laban sa kanila ay inihanda para sa pagsasampa sa korte.
Kaugnay nito, ipinahayag ni P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, walang patid ang opensiba at pagtugis ng pulisya laban sa mga personalidad na sangkot sa ilegal na droga gayondin ang mga lumabag sa batas, sa pamamagitan ng mahusay na solusyon laban sa krimen. (MICKA BAUTISTA)