NASAKOTE ang anim na indibiduwal na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 7 Mayo.
Ayon sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, nadakip ang tatlo sa mga suspek na huli sa aktong bumabatak sa ikinasang drug sting operation ng Marilao MPS sa Brgy. Loma De Gato, sa bayan ng Marilao, dakong 10:30 pm, kamakalawa.
Nakompiska mula sa mga naarestong suspek ang isang pirasong cut-open plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu residue, isang piraso ng aluminum foil strip na may hinihinalang shabu residue, isang piraso ng rolled aluminum foil tooter na naglalaman ng hinihinalang shabu residue, at dalawang piraso ng disposable lighter.
Kasunod nito, naaresto ng Station Drug Enforcement Unit ng Baliwag CPS, San Miguel, at Bulakan MPS ang tatlo pang indibiduwal na pinaniniwalaang sangkot sa ilegal na bentahan ng droga sa magkakasunod na drug buybust operation sa kanilang mga nasasakupan.
Nakompiska sa operasyon ang 11 sachet ng hinihinalang shabu at marked money na dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri.
Samantala, inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act pf 2002 na isasampa sa korte laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)