ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NGAYONG taon ay maipapalabas na sa mga international film festivals ang mga kolaborasyon ni Direk Njel de Mesa. Anim na pelikula nila ang magkakaroon ng Japan Premiere sa Jinseo Arigato International Film Festival sa Nagoya, Japan.
International ang magiging red carpet premiere ng mga pelikulang: Malditas In Maldives, Must Give Us Pause, Mama ‘San?, Coronaphobia, Creepy Shorts Anthology, at Subtext. Ang apat na nalalabing pelikula ng NDMstudios ay itatampok naman sa mga film festivals sa Singapore, Hongkong, Taiwan, Canada, Switzerland, at Dubai.
Nang tanungin si Direk Njel kung kailan mapapanood sa Filipinas ang mga obra niya, kakaiba ang kanyang sagot: “Iikot muna kami sa mga film festivals abroad. Kapag malakas na ang boses ng panawagan na maipalabas dito sa Filipinas, saka kami magpapalabas.”
Nagsimulang mag-produce ng pelikula si Direk Njel de Mesa sa kanyang suspense-thriller na “Coronaphobia” noong panahon pa ng pandemya, ngunit natigil rin ito dahil sa kanyang pagsisilbi bilang Vice Chairman ng MTRCB.
Pero nang magkaroon siya nang panahon at pagkakataon, rumatsada na ang direktor sa paggawa ng makabuluhang mga pelikula kasama ang “Muse of Philippine Cinema” na si Arci Muñoz.
Ilulunsad na rin ni Direk Njel ang kanyang NDM animation studios sa Japan.
Una na sa listahan ang “Malditas in Maldives” na pinagbibidahan nina Arci Muñoz, Kiray Celis at Janelle Tee. Isang nakakatawang pelikula tungkol sa mga matapobreng vloggers na nababaliw sa isang paulit-ulit na araw sa Maldives. Ang “Must Give Us Pause” at “Mama, ‘San?” ay nagtatampok naman kay Shaneley Santos na isa sa mga homegrown NDMstudios baby. Ang “Coronaphobia” ay isang suspense-thriller kasama sina Daiana Menezes at Will Devaughn tungkol sa mga turistang naubusan ng pera noong panahon ng pandemya na pinagpapatay ng isang praning na janitor.
Ang “Subtext” ay nagwagi ng 1st Prize sa Don Carlos Palanca Awards at ipalalabas ng libre sa JAIFF2024. Tampok dito sina Paolo Contis, Ciara Sotto, Ely Cellan at marami pang iba. Ang Creepy Shorts Anthology ay koleksiyon ng maiikling kuwento na nakakatakot na tampok ang mga artista ni Direk Njel sa NDMstudios Japan.
Maaring mapanood ang kanilang mga trailer, teaser at clips sa www.facebook.com/NDMstudios, www.youtube.com/NjeldeMesa, www.instagram.com/NjeldeMesa.