SA MABILIS at koordinadong operasyon kahapon ng madaling araw, Huwebes 2 Mayo 2), matagumpay na naharang ng Cabanatuan City Police Station (CPS), na suportado ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs), ang isang gang ng mga magnanakaw sa aktong kinukulimbat ang 700 metrong copper cable na nagkakahalaga ng P600,000 sa Cabanatuan City.
Ang pinagtangkaang nakawin ng gang ay ang mga kritikal na impraestruktura na pag-aari ng Philippine Long Distance Company (PLDT) sa Brgy. Quezon District, Cabanatuan City.
Ang insidente, naganap dakong 3:30 am, ay agad iniulat ng mga nagbabantay na saksi, na humantong sa mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng Cabanatuan City at pagkakadakip sa 10 indibiduwal.
Kinilala ang mga nasakote sa kanilang mga alyas o palayaw na Mond, Gelo, Ger, Anak, Juls, Nante, Jax, Rap, Lon, at EJ habang ang isang Elmer ay nakatakas sa pagkakaaresto.
Ang mga nahuling suspek ay residente sa Quezon City at Caloocan City na karamihan ay mga driver at mga kasabuwat, ay naaktohang pinuputol ang kableng tanso sa ilalim ng manhole sa Brgy. Distrito sa nasabing lungsod.
“Ang matagumpay na pagkilos na ito ay nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng pagbabantay at pagtutulungan ng komunidad sa paglaban sa organisadong krimen at pagprotekta sa mahahalagang pampublikong asset,” pahayag ni PRO3 Director PBGeneral Jose S. Hidalgo, Jr. (MICKA BAUTISTA)